Walang programa na 'Pantawid Gutom' ang pamahalaan.

Ito ang paglilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod na rin ng kumakalat na social media post hinggil sa naturang programa na nag-aalok ng ₱7,000 monthly allowance sa mga benepisyaryo nito.

"Para sa kaalaman ng lahat, ang DSWD ay walang programa na tinatawag na Pantawid Gutom Program. Subalit ito ay naglunsad ng pinakabagong inisyatibo upang maiwasan ang kagutuman, ang Food Stamp Program," anang ahensya.

Sa ilalim ng programang ito, makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng ₱3,000 food credits sa kanilang mga Electronic Benefit Transfer card na maaari lamang gamiting pambili ng masusustansyang pagkain.

"Kilatising mabuti at i-verify muna ang mga nababasa. Huwag basta-basta maniwala sa mga content na hindi nanggaling sa credible at reliable source na katulad nito," sabi ng DSWD.

"Sama-sama tayo sa paglaban sa mga maling impormasyon dahil sa DSWD, bawal ang fake news," pagbibigay-diin pa ng ahensya.