Matinding traffic hanggang PH Arena, asahan sa opening ng 2023 FIBA WC -- MMDA
Asahan na ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lugar patungong Philippine Arena sa Bulacan dahil sa pagbubukas ng 2023 FIBA Basketball World Cup.
Sa Facebook post ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagpakalat na ang ahensya ng 1,300 tauhan upang magbantay sa mga lansangang papuntang NLEX na inaasahang maapektuhan ng kumpulan ng mga sasakyan hanggang arena sa Bocaue.
“Lahat naman po ng delegates, VIPs, FIBA officials that will be going to the venues especially po sa Philippine Arena sa Bulacan, lahat naman po ito ay napaghandaan na namin,” paliwanag naman ni MMDA Traffic Discipline Office-Enforcement head Vic Nuñez sa panayam sa telebisyon.
Suspendido naman ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno at klase sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila at sa Bulacan ngayong Biyernes dahil na rin sa event.