Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang dalawang nakabinbing kaso ng dating mamamahayag at talk show host na si Jay Sonza kaugnay ng illegal recruitment, subalit mananatili umano siyang nakapiit dahil sa iba pang kaso kagaya ng 11 counts of estafa at libel case.

Batay sa mga ulat, kinumpirma ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera na naglabas ng pasya ang QC RTC Branch 100 na "provisionally" dismissed ang syndicated at large-scale illegal recruitment cases laban kay Sonza.

Hindi raw umano dumalo ang complainants sa isinagawang pagdinig. Bigo umano ang mga nagreklamo na makipag-ugnayan sa kanila.

"Given the consent of the accused who is virtually present… and in view of the manifestation of the public prosecutor indicating lack of interest to prosecute this case, on the part of the private complainants, the motion of the defense is hereby granted," mababasa sa inilabas na kautusan.

Jay Sonza nakakulong sa QC Jail dahil sa dalawang kaso

Paliwanag ni Bustinera, kapag sinabing "provisionally," maaaring mabuhay ang kaso sa loob ng dalawang taon kapag may panibagong mga ebidensya at sapat na dahilan para muling pagulungin ito.

May kinahaharap pang 11 counts of estafa sa QC RTC Branch 100 at libel case sa QC RTC Branch 77 si Sonza. Ang huli ay magkakaroon ng pagdinig sa Agosto 18, 2023. Puwede siyang magpiyansa para sa kasong libelo laban sa kaniya subalit hindi pa tiyak pagdating sa estafa. ₱10,000 umano ang halaga ng bail.

Matatandaang sa panayam ng ABS-CBN News kay Bustinera, kinumpirma niyang napiit si Sonza, sa kasong estafa at syndicated and large scale illegal recruitment.

Sang-ayon pa rin sa ulat, bago umano mabilanggo sa QC Jail, kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Asst. Director Glenn Ricarte na napunta sa kanilang kustodiya si Sonza matapos umanong pansamantalang ma-detain at arestuhin ng Bureau of Immigration (BI), dalawang linggo na ang nakalilipas.

Patungo raw sanang Hong Kong si Sonza nang mapag-alaman ng BI na may kinahaharap siyang kaso rito sa Pilipinas. Dumating ang active warrant sa kaniya kaugnay ng mga kaso, at saka umano inilipat sa kustodiya ng NBI, hanggang sa dalhin na nga umano sa kulungan.