
(Philippine Coast Guard/FB)
5 human trafficking victims, nasagip sa Batangas Port
Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang umano'y biktima ng human trafficking habang sakay ng isang pampasaherong barko sa Batangas Port kamakailan.
Sa initial investigation ng PCG, lulan ng barko ang limang indibidwal mula sa Culasi Port sa Roxas City, Capiz at patungong Batangas Port sa Batangas City nitong Agosto 12 ng hapon.
Matapos matanggap ang impormasyon, kaagad na inalarma ng Coast Guard ang dalawang on-duty sea marshals na lulan ng naturang barko.
Kinontak na rin ng PCG ang kapitan ng barko kaugnay ng usapin.
Pagdating sa Batangas Port, inaresto na ang dalawang suspek.
Ang limang biktima ay nasa pangangalaga muna ng Philippine National Police (PNP)-Women and Children Protection Desk sa Batangas City at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isinailalim na rin sa counseling at stress debriefing.
Inihahanda na ang kaso laban sa dalawang suspek, ayon pa sa mga awtoridad.