Isang lucky bettor mula sa Pasig City ang nakasungkit ng higit ₱42.9 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.
Sa abiso ng PCSO, nasolo ng lucky winner ang naturang premyo matapos na matagumpay na mahulaan ang six-digit winning combination na 31-13-10-37-34-18.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Caniogan, Pasig City.
Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan naman ng PCSO ang mapalad na mananaya na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala namang muli ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% na buwis, alinsunod sa TRAIN Law.
Ang mga premyo namang hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa araw ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at magiging bahagi ng kanilang Charity Fund.
Nauna nang sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na walang talo sa pagtaya ng lotto dahil sa halagang ₱20 lamang ay magkakaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, at makakatulong pa sa kawanggawa.
Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.