Magtatatag na ang gobyerno ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) center sa lahat ng local government unit (LGU) sa bansa, ayon sa Malacañang.

Nitong Lunes, Hulyo 17, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglagda ng memorandum of agreement (MOA) sa Pampanga Provincial Capitol sa City of San Fernando na naglalayong malagyan na rin ng KNP center ang lahat ng lungsod at bayan sa bansa, sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensya ng gobyerno.

“Dito sa MOA na ito talagang pinaghahatian ng local government at saka national government ito. Hindi kayang gawin ng national government na maikalat lahat ng ating gustong ipadala na mga murang pagkain kung hindi ating kasama at ka-partner ang local government,” pagdidiin ng Pangulo.

“Kaya’t ito’y isa na namang magandang halimbawa para ipakita kung papaano… nagtutulungan, hindi lamang ang national government, hindi lamang ang mga iba’t ibang ahensiya, departamento ng national government, kundi pati na rin ang mga local government,” dagdag ng punong ehekutibo.

Nilinaw pa ni Marcos, kailangang mapataas pa ang produksyon upang magtuloy-tuloy ang Kadiwa program at mapanatili na rin ang abot-kayang pangunahing bilihin sa tulong na rin ng iba't ibang sektor.

“Binabantayan natin nang mabuti ang mga fishing grounds na i-develop natin para dumami ang isda. Naibaba na natin ang presyo ng ilang produkto ngunit kailangan na ngayon natin tuloy-tuloy na ipababa at paramihin ang produksyon,” dagdag pa ng Pangulo.

Kabilang din sa pumirma sa nasabing kasunduan ang DA, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Presidential Communications Office (PCO), at Presidential Management Staff (PMS).