Pagbabawal sa mga rider na sumilong sa ilalim ng footbridge, 'di diskriminasyon -- MMDA chief
Pumalag si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes sa alegasyon ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na may diskriminasyon sa pagbabawal ng ahensya sa mga rider na sumilong sa ilalim ng mga footbridge at tulay kapag umuulan.
"Maling sabihin na ang hakbang na ito ng MMDA ay diskriminasyon sa hanay ng mga motorcycle rider. Hangad po ng aming ahensya ang kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo," bahagi ng Facebook post ni Artes nitong Sabado, Hulyo 15.
"Cong. Gutierrez, paano niyo po nasabing tahimik ang media sa isyung ito gayong wala naman kayo sa inagurasyon ng MMDA Communications and Command Center noong Miyerkules, Hulyo 12? In fact, lahat ng media na nag-cover sa naturang event ay sang-ayon na mali ang gawaing iyon ng mga motorcycle rider dahil delikado at nagiging sanhi pa ng mabagal na pag-usad ng traffic," sabi ng opisyal.
Ang pahayag ni Artes ay tugon sa isang artikulong inilathala ng kongresista sa isang pahayagan kamakailan na pumupuna sa naturang hakbang ng ahensya.
"Sa aking pagkakaalam, ang trabaho ng kongresista ay lumikha ng batas para sundin ng mamamayan. Hindi tama na ang isang mambabatas mismo ang naghihikayat sa publiko na suwayin ang batas. Sa MMDA po, pangunahing layunin namin ang kaligtasan ng lahat ng motorista at kaayusan sa bawat lansangan na aming nasasakupan," dagdag pa ni Artes.