Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng bagyong Dodong na humagupit sa Dinapigue, Isabela nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa social media post ng DSWD, inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng regional director humanda na sa pagtugon sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng pagbaha at landslide bunsod ng habagat o southwest monsoon na pinaigting ng bagyo.

“All DSWD regional offices should immediately activate their respective DRMD QRT (Disaster Response and Management Division-Quick Reaction Teams) and closely coordinate with their local DRRMCs (Disaster Risk Reduction and Management Council),” ani Gatchalian.

Ipinag-utos din ni Gatchalian sa Disaster Response and Management Group (DRMG) na pinamumunuan ni Undersecretary Dianne Cajipe, na tiyaking handa na ang family food packs (FFPs) at iba pang relief assistance para sa agarang pagpapadala nito sa regional offices ng ahensya upang madagdagan pa ang imbak ng mga ito.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas dakong 11:00 ng umaga ng Biyernes, nasa 12 na lalawigan ang isinailalim sa Signal No. 1.

Kabilang sa mga naturang lugar ang Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at northern portion ng Pangasinan (San Nicolas, San Manuel, Sison, San Fabian, Pozorrubio, Bolinao, Bani, City of Alaminos, Sual, Labrador, Lingayen, Agno, Binmaley, Dagupan City, San Jacinto, Mangaldan, Anda).