Inaasahang patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa hanggang sa susunod na tatlong araw dahil sa low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Hulyo 13.
Sa tala ng PAGASA, namataan ang LPA 160 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Infanta, Quezon.
“This weather disturbance is likely to develop into a tropical depression within 48 hours,” anang PAGASA.
Makararanas umano ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Luzon, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at BARMM dahil sa habagat o LPA.
Maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang pag-ulan o thunderstorms sa Davao Region at SOCCSKSARGEN dulot ng habagat. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.
Ayon sa PAGASA, posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar na ito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.