
(MMDA/FB)
Albay evacuees, nabigyan na ng malinis na tubig -- MMDA
Inumpisahan nang gamitin ang 60 unit ng solar-powered water filtration system ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mabigyan ng malinis na tubig ang mga evacuee na apektado ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano sa Albay.
Sa Facebook post ng MMDA, nasa 1,129 na residenteng nanunuluyan sa mga evacuation center ang naunang nakinabang sa mga water filtration unit nito.
Kabilang sa mga napagkalooban ng malinis na maiinom na tubig ay ang mga sumusunod na lugar sa Sto Domingo Municipality, Albay: San Andres (Purok 4), San Andres (Purok 2) at Sitio Bical Salvacion.
Nitong Hunyo 16, dumating sa Albay ang 20 tauhan ng MMDA, dala ang mga unit ng nasabing water filtration system upang matulungang mabigyan ng malinis na tubig ang mga lumikas na residente alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Idinagdag pa ng MMDA, ang mga tauhan nito ay mananatili sa lugar sa loob ng 10 araw.