Camp Olivas, San Fernando, Pampanga -- Naaresto ng awtoridad ang pitong Most Wanted Persons (MWPs) sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa sa rehiyon, ayon sa ulat nitong Huwebes, Mayo 18.
Sa Nueva Ecija, inaresto ng pulisya si Aries Lizo ng Barangay 1, Laur dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Habang nagsilbi naman ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 3 kasama ang iba pang police unit laban kay Sherwin Ocsona, Rank 3 MWP City Level sa Baguio City sa Brgy. Maligaya, San Miguel, Tarlac para sa kasong multiple attempted murder.
Samantala, naaresto naman ng operatiba ng Bulacan ang Regional Level Top 5 MWP na si Ryan Agustin sa Brgy. Longos, Calumpit, Bulacan para sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa Zambales inaresto si Mary Rose Pico, municipal level MWP para sa paglabag sa 4 counts of B.P. 22 o bouncing checks law.
Naaresto rin si Agripino Dela Cruz para sa 3 counts of Statutory Rape sa Olongapo City na walang inirerekomendang piyansa.
Isa pang City Level MWP ang kinilalang si Angel John Balingit ang naaresto sa Brgy. Ninoy Aquino, Angeles sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong robbery with violence.
Samantala, inaresto ng awtoridad sa San Rafael Village, Brgy. Mabiga, Mabalacat City, Pampanga si Jade Lapaz para sa paglabag sa Sec. 5 ng RA 9262 (Law Violence Against Women and their Children).