Posibleng isailalim sa yellow alert ang Luzon grid sa mga susunod na linggo dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente, ayon sa pahayag ng Department of Energy (DOE) nitong Huwebes.

Paliwanag ni DOE Undersecretary Rowena Guevarra sa pulong balitaan, nangangahulugang bumaba pa sa normal o tamang antas ang reserbang kuryente.

Gayunman, sinabi nito na hindi nangangahulugang magkakaroon o magreresulta ito ng power interruptions.

Aniya, posibleng ipatupad ang alerto sa nalalabing linggo ng Mayo at sa Hunyo.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

"Dito sa Luzon, nakikita natin na pitong linggong posibleng yellow alert na mag-occur in any of the 7 weeks. After that mayroong paisa-isa sa ibang mga buwan sa second half ng taon," aniya.

Matatandaang nawalan ng suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng Luzon nitong Lunes matapos mag-trip ang transmission line at dalawang unit ng  Masinloc Power Plant sa Masinloc, Zambales. 

Nauna nang nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magkakaroon ng pagnipis ng power supply ngayong dry season mula Marso hanggang Mayo dahil sa pagtaas ng konsumo nito.