Isang taon matapos ang May 9 elections, inilunsad ni dating Vice President at Angat Buhay Chairperson Leni Robredo ang coffee table book na may pamagat na “Tayo ang Liwanag” bilang paggunita umano sa nangyaring “volunteer-driven campaign” para sa kaniyang naging pagtakbo bilang Pangulo ng bansa.

Sa launching ng libro na naka-livestream sa opisyal na Facebook page ni Atty. Leni Robredo at ng Angat Buhay, inilarawan ni Robredo ang nasabing 388-page coffee table book na parang “diary ng lahat ng nangyari.”

Nasa 3-kilos umano ang bigat ng libro at nilalaman nito ang mga larawan at mensahe ng kaniyang “day-to-day” campaign noong nakaraang taon.

“Mas personal diary siya mula noong decision-making process until noong ni-launch natin ‘yung Angat Buhay. Mas picture book siya pero marami kayong makikita na pinagdaanan namin na hindi n’yo pa nakita before” saad ni Robredo.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sa kaniya ring pahayag, sinabi ni Robredo na noong mabalitaan niyang marami ang “nag-reminisce” sa social media sa naging kampanya nila noong nakaraang eleksyon, tiningnan daw niya ang pahayag nila at inalala ang kanilang pinagdaanan.

“Pambihira di ba? Tayo ‘yung hindi natin nakamtan ‘yung mithiin natin pero we still look back on everything that happened with a grateful heart,” ani Robredo.

“If I have to go through it all over again, I will. Kasi tingin ko marami tayong na-achieve na, on the day I announce my candidacy, I never thought na maa-achieve natin. 'Yung numbers natin, bagsak. 'Yung vilification na natanggap natin over the course of 6 years, sobra-sobra. Pero kayo, marami sa inyo ang unang na-involve sa kampanya pero you gave it all,” saad pa niya.

Nagpasalamat din ang dating bise presidente sa lahat ng mga sumuporta sa kaniyang kampanya na hanggang ngayon ay nagvo-volunteer umano sa Angat Buhay. Naglunsad pa umano ang ibang supporters ng sariling organisasyon na nagiging partner naman ng Angat Buhay sa pagtulong sa kapwa.

“I really want to thank everyone not just for joining us sa laban na pinagdaanan natin na napakahirap, pero for not losing hope even after the grief that you felt when we lost. Thank you sa pagsama sa’min for channeling this hope, to things that are more important para sa ating mga kababayan,” ani Robredo.

Matapos ang programa ay nagsagawa rin si Robredo ng isang book-signing event sa Museo ng Pag-asa sa Quezon City, ang headquarters ng Angat Buhay NGO ni Robredo.

Bukod sa paglulunsad ng libro, magkakaroon din umano ng serye ng mga mini concert na tinatawag na “Tayo Ang Liwanag Mini Concert” mula ngayong araw, Mayo 9, hanggang sa Sabado, Mayo 13, bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng People’s Campaign.

Inaasahan umanong mag-guest sina dating Senador Francis Pangilinan, running-mate ni Robredo, at Bam Aquino, kaniyang campaign manager, sa unang araw ng nasabing mini concert.

Kasama rin sa concert sina Nica del Rosario, Gab Pangilinan, The Company, at Rivermaya.