Isiniwalat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes, Mayo 9, na 17 pagyanig ang naitala ng Bulusan Volcano Network (BVN) sa Mt. Bulusan mula noong Linggo, Mayo 7.

Sa ulat ng Phivolcs, naganap ang pagyanig 0 hanggang 5.2 kilometro sa ilalim ng silangang sektor ng Bulusan.

Binubuo umano ang naitalang 17 pagyanig ng 11 volcano-tectonic earthquakes na nauugnay sa rock-fracture at anim na tornillo events na nauugnay sa paggalaw ng volcanic gas.

“Currently, very weak to weak emission of white steam-laden plumes transpires at active vents on the crater and summit area. However, volcanic gas activity within the edifice may potentially trigger steam-driven or phreatic eruption from any of the active vents,” saad ng Phivolcs.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Nananatili ang Alert Level 0 (Normal) sa bulkan ngunit may mga pagkakataon ng pagsingaw o pagbuga ng usok mula sa bunganga o tuktok na bahagi nito.

Gayunpaman, pinaalalahanan ng Phivolcs ang lokal na pamahalaan at ang publiko na dapat iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) partikular na malapit sa mga lagusan sa south-southeast slope dahil sa posibilidad ng biglaan at mapanganib na pagsingaw, pagbuga ng usok, rockfall, o pagguho ng lupa.

Dapat din umanong payuhan ng mga awtoridad ng civil aviation ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil ang abo mula sa anumang biglaang pagbuga ng uso ay maaaring mapanganib sa mga sasakyang panghimpapawid.

“Furthermore, people living within valleys and along river/stream channels should be vigilant against sediment-laden stream flows and lahars in the event of heavy and prolonged rainfall,” anang Phivolcs.

Mahigpit naman umanong binabantayan ng DOST-PHIVOLCS ang kondisyon ng Mt. Bulusan.