Ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, Mayo 8, ang House Bill No.7561 na naglalayong pagkalooban ng cash gift na nagkakahalaga ng ₱1 milyon ang mga Pilipinong aabot sa edad na 101 taong gulang.

Ayon kay Deputy Speaker at Batangas 6th district Rep. Ralph Recto, na nanguna sa sesyon, 257 miyembro ng Kamara ang bumoto para sa nasabing panukala. Wala rin umanong tumutol o nag-abstain dito.

Ang panukala ay naglalayong bigyan ng ₱1 milyon ang mga Pilipinong umabot sa 101 taong gulang o centenarian, nakatira man dito sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Layon din nitong pagkalooban ng ₱25,000 ang mga Pilipinong umabot sa edad na 80 at 85 (octogenarians), at 90 at 95 (nonagenarians).

Makakatanggap din umano ang mga ito ng liham ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas.

Nilalayon ng House Bill No.7561 na amyendahan ang RA No.10868 o ang Centenarians Act of 2016, na nagbibigay ng karapatan sa lahat ng Pilipinong umabot sa 100 taong gulang pataas ng cash gift na nagkakahalaga ng ₱100,000.