Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nakipagpulong siya sa mga opisyal sa Gatwick airport sa England, kung saan nakakuha umano siya ng mahahalagang “insights” para mapabuti ang mga paliparan ng Pilipinas at mapalakas ang turismo sa bansa.
Sinabi ito ni Marcos nang makarating siya sa London upang dumalo sa koronasyon ni His Majesty King Charles III at Her Majesty the Queen Consort.
BASAHIN: PBBM, dadalo sa koronasyon ni King Charles III
Sa kaniyang Twitter post nitong Sabado, Mayo 6 (Manila time), sinabi ni Marcos na malugod siyang binati ng kinatawan ng royal court sa kaniyang pagdating sa United Kingdom (UK).
Nilibot din umano niya ang Gatwick Airport, na kinikilalang second-busiest airport sa UK, at nakipag-usap sa mga opisyal nito.
“Honored to have been greeted by a representative of the royal court upon our arrival in the UK for the coronation of King Charles III,” ani Marcos.
“We made the most of our time at Gatwick Airport, meeting with its executives and taking a comprehensive tour. We gathered valuable insights to improve Philippine airports and boost tourism at home,” dagdag niya.
Kasama umano ni Marcos sina Filipino Ambassador to the United Kingdom Teodoro Locsin, Jr., House Speaker Martin Romualdez, at Transportation Secretary Jaime Bautista.
Nakarating ang pangulo sa UK matapos ang kaniyang apat na araw na offcial working visit sa Washington, DC kung saan nakipagpulong siya kay United States President Joe Biden.
BASAHIN: PBBM, Biden, sinigurong pagtitibayin alyansa ng US, ‘Pinas