Ang mga poste ng kuryente na nakahambala sa mga proyekto sa pagpapalawak ng kalsada ng gobyerno ay nakatakda nang ilipat sa mas naaayong lugar.
Ito, matapos mangako ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumawa ng guidelines sa validation at prioritization ng pagbabayad sa paglilipat ng mga poste ng kuryente na nasa loob ng road right-of-way (ROW).
Sinabi ni DPWH Undersecretary for Legal Affairs Anne Sharlyne G. Lapuz na naghahanda na rin sila ngayon ng detalyadong master list ng mga electric posts na dapat ilipat sa lalong madaling panahon.
Sinabi rin niya na ang DPWH Legal Service at Regional Offices Right-of-Way and Legal Division (ROWALD) sa buong bansa ay sumang-ayon na gumawa ng mga proactive na hakbang at bigyan ng seryosong atensyon ang paglilipat ng mga nakaharang na poste ng kuryente na isang karaniwang isyu lalo na sa mga patuloy at bagong pinalawak na kalsada sa buong bansa.
"Sa pagtatapos ng aming pagpupulong, napagkasunduan namin na bumalangkas ng standard procedure sa aktwal at pisikal na validation ng mga poste ng kuryente na nasa loob ng right of way ng gobyerno," ani Lapuz.
"Maghahanda din kami ng isang detalyadong master list at ang transitory guidelines sa prioritization ng pagbabayad at relocation ng mga poste ng kuryente kung isasaalang-alang namin na nagtatrabaho kami sa isang P50 milyon na badyet sa 2023," dagdag niya.
Sinabi ni Lapuz na ipinag-utos din niya ang mahigpit na koordinasyon ng DPWH sa National Electrification Administration (NEA) sa mga panukalang hakbangin.
Nicole Magmanlac