Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, Abril 24, na tatlong Pilipino na ang nailikas mula sa bansang Sudan.

Sa isinagawang Laging Handa briefing, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na tatlong Pilipinong babae ang na-rescue ng pamahalaan ng Saudi.

Nagtatrabaho umano ang mga ito sa Saudi Airlines na nakabase sa Saudi, hangang sa na-stranded ang kanilang aircraft sa Sudanese capital Khartoum nang magsimula ang karahasan sa Sudan.

Upang ma-rescue ay dinala umano sila ng gobyerno ng Saudi sa Port Sudan bago sinundo gamit ang isang Saudi military vessel at dinala sa Jeddah.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

"Doon sila sinalubong kasama iyong ating consul na nandoon," ani de Vega.

Nagpasalamat naman si de Vega sa Saudi Arabia sa nangyaring pag-rescue sa mga Pinay, at nakiusap na kung magkaroon pa ito ng future repatration ships, nawa’y maisakay na rin daw ang iba pang mga Pilipinong maidadala o nasa sa Port Sudan.

Samantala, nagsimula na rin umanong magpadala ang gobyerno ng Pilipinas ng rescuers upang sunduin ang mga Pinoy sa Sudan at dalhin sa Anwan, isang tourist destination sa Egypt kung saan mayroong operational airport.

Sinabi ni de Vega na 156 mga Pinoy na ang naghahandang umalis sa Sudan at, sa loob ng 24 oras, magkakaroon na umano ng mga grupong makasasakay sa kanilang evacuation buses papuntang Egypt.

Nagkakaroon ngayon ng labanan sa Sudan matapos sumiklab ang paksyon sa pagitan ng mga hukbo na tapat kay Heneral Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary ng Rapid Support Forces (RSF).

Si Burhan ang namumuno sa transitional governing Sovereign Council ng Sudan habang ang RSF ay pinamumunuan ni Heneral Mohamed Hamdan Dagalo na siyang deputy head ng konseho.

Nito lamang Linggo, Abril 24, ay nanawagan si Pope Francis na itigil na ang karahasang nangyayari doon at ituloy na lamang ang dayalogo sa pagitan ng mga naglalabang paksyon.

BASAHIN: Pope Francis, nanawagang itigil na ang karahasan sa Sudan

Mahigit 400 indibidwal na umano ang nasawi habang libo-libo ang nasugatan dahil sa nasabing kaguluhan doon.