Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na naging produktibo ang naging pagpupulong nila ni Chinese Foreign Minister Qin Gang sa Malacañang nitong Sabado, Abril 22, matapos umano nilang mapagkasunduang paiigtingin pa ang komunikasyon ng Pilipinas at China para maresolba ang mga isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Bumisita si Qin sa bansa mula noong Biyernes, Abril 21, hanggang nitong Linggo, Abril 23, upang makausap umano ang pangulo at mapabuti ang “mutual trust” at komunikasyon ng dalawang bansa.

BASAHIN: China, nais mapabuti komunikasyon sa ‘Pinas; foreign minister, bibisita sa Maynila

Sa pahayag naman ni Marcos nitong Linggo, Abril 23, ibinahagi niyang naging matagumpay ang meeting at napag-usapan nila ni Qin ang patuloy na lumalagong relasyon ng Pilipinas at China.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“We had a productive meeting with Chinese Foreign Minister Qin Gang, where we discussed the continued growth of the relationship between our countries, particularly in the fields of economy, culture, and education among others,” pahayag ni Marcos sa kaniyang social media post.

“As we prioritize maintaining peace in our region, Minister Qin and I agreed to establish more lines of communication to resolve the issues in the West Philippine Sea,” dagdag niya.

Samantala, nauna nang ipinahayag ng pangulo na nalinaw na rin sa nasabing pagpupulong ang kontrobersyal na binitiwang salita ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian tungkol sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.

“Philippines is advised to unequivocally oppose ‘Taiwan Independence’ rather than stoking the fire by offering the US access to the military bases near the Taiwan Strait if you care genuinely about the 150,000 OFWs,” saad kamakailan ng ambassador sa isang forum.

Inamin ni Marcos na nabigla siya sa naturang pahayag ngunit naisip daw niyang maaari itong na-misinterpret dahil hindi niya unang lenggwahe ang Ingles. Kaya naman, mahalaga raw ang naging direktang pakikipag-usap niya kay Qin para malinaw ito.

Nag-ugat ang kontrobersyal na pahayag ni Huang sa pagtatatag ng apat na bagong karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites na magbibigay ng access sa pwersa ng mga Amerikano sa mga base militar ng Pilipinas.

BASAHIN: Malacañang, inihayag ang 4 karagdagang EDCA sites

Sinabi naman kamakailan ni Marcos na walang dapat ipag-alala ang China sa naturang bagong EDCA sites dahil hindi umano ito gagamitin para sa “offensive na aksyon”.

BASAHIN: PBBM sa China: ‘Hindi na kailangang mag-alala sa bagong EDCA sites’