Kinumpirma ng White House nitong Biyernes, Abril 21, na dadalo sa isang pagpupulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos kasama si Pangulong Joe Biden sa Mayo 1 bilang tanda umano ng ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng tensyon ng US sa China tungkol sa Taiwan.
Sa ulat ng Agence France Presse, ibinahagi ni White House Press Secretary Karine Jean-Pierre na na muling pagtiitbayin ni Biden ang “commitment” ng Washington na depensahan ang Pilipinas, at tatalakayin din umano ng mga lider ang pagpapalakas sa matagal nang US-Philippines alliance.
Tatalakayin din umano nina Biden at Marcos ang iba pang mga bagay kabilang ang kooperasyong pang-ekonomiya, malinis na enerhiya at paggalang sa karapatang pantao.
"The two leaders will also discuss regional matters and coordinate on efforts to uphold international law and promote a free and open Indo-Pacific," anang pahayag.
Inanunsyo ng White House ang nasabing balita isang linggo pagkatapos ng pinagsamang US-Philippines military exercises sa pinagtatalunang West Philippine Sea sa harap ng lumalagong paninindigan ng China sa rehiyon, partikular na sa Taiwan.
Samantala, target namang simulan ng Pilipinas at China sa darating ding Mayo ang kanilang pag-uusap umano tungkol sa joint oil and gas explorations sa West Philippine Sea.