Muling binanggit ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr. ang umano’y hindi pagkahol ng asong nasa lugar kung saan pinaslang si Negros Oriental Gov. Roel Degamo, at sinabing kung gagawin lamang ang pagdinig sa korte ng Estados Unidos, maaaring ipatawag umano nila ang aso upang alamin ang pagkakakilala nito sa mga tao.

"Scientific ‘yan, ‘yung aso. Kung sa Amerika lang ‘to na korte, baka pinatawag ‘yung aso, iche-check ‘yung pagkakakilala nung aso sa mga tao," pahayag ni Teves sa panayam ng ANC Headstart nitong Huwebes, Abril 20.

Iginiit pa ni Teves na pamilyar sa aso ang mga pumaslang sa gobernador at walo pang nadamay dahil sa hindi umano nito pagkahol at pagwagayway pa nito ng buntot.

Matatandaang inambush si Degamo sa harap ng bahay nito sa bayan ng Pamplona habang nakikipag-usap sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!

Makikita sa CCTV footage na mayroong dalawang aso sa pinangyarihan ng krimen na mabilis na tumakbo nang magsimula ang putukan.

Sinabi na rin kamakailan ng nasuspindeng kongresista ang teorya niyang kilala ng aso ang mga pumatay kay Degamo dahil hindi umano nito pagkahol.

BASAHIN: Cong. Teves, sinabing kilala sa lugar ang mga pumatay kay Degamo dahil ‘di kumahol ang aso

Si Teves, na hindi bumabalik ng Pilipinas dahil umano sa banta sa kaniyang buhay, ay isa sa mga tinitingnang mastermind sa naturang krimen.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla