Bilang chairman ng Senate Health and Demography Committee, sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go na ipauubaya niya sa pamahalaan kung ano ang dapat gawin sa rekomendasyong ibalik sa dati ang school calendar, kung saan bakasyon ang buwan ng Abril at Mayo.

Matatandaang nanawagan kamakailan si Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. France Castro na ibalik na sa dati ang school calendar dahil umano sa init na panahon ngayong summer at kakulangan ng air-conditioning units sa mga silid-aralan para sa mga estudyante.

BASAHIN: ‘Dahil sa init ng panahon’: ACT Rep. Castro, nanawagang ibalik sa dati ang school calendar

Upang unti-unti umanong maibalik ang school break sa Abril at Mayo, nagbigay rin ng suhestiyon ang ACT na gawing 185 na lamang ang 200 hanggang 205 araw na pasok kada taon.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

BASAHIN: ‘Para maibalik ang April-May school break’: ACT, hinikayat DepEd na paikliin ang class days

Ayon naman kay Go, pinag-aaralan na ng mga departamento ng edukasyon at turismo ang nasabing mga suhestiyon at sinabing dapat talagang pangalagaan ang kondisyon ng mga mag-aaral, guro, at iba pang mga manggagawa sa paaralan.

“Personally, bilang senador, sa totoo lang kaya nga po tinatawag nating summer, summer mainit. So, baka mahirapan po ang mga estudyanteng mag-aral,” ani Go.

Pinatotohanan din ng senador ang ulat ng ACT na walang sapat na air conditioning-units maging mga electric fan ang mga silid-aralan sa bansa upang panlaban sana sa init ng panahon habang nagkaklase ang mga estudyante.

“May ibang classroom, wala pong electric fan, mainit lalong-lalo na po sa mga lugar na walang puno, flat na areas, napakainit po. At ayaw naman nating mag-suffer ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, hindi sila makapagconcentrate,” ani Go.

Kamakailan lamang ay ipinahayag naman umano ng Department of Education (Deped) na bubuo ito ng grupo para pag-aralan ang nasabing panukala hinggil sa school calendar.