Bubuksan ang Malacañang sa darating na Abril 22 upang gawing entablado umano para sa gaganaping ‘Konsyerto sa Palasyo’ (KSP) kung saan magtatanghal ang bagong performing artists sa buong Pilipinas.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Abril 13, mula sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang KSP na magiging “serye ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo na magtatampok sa pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay halaga sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino sa performing arts.”

“Naniniwala ang Pangulo na hindi dapat maiwanan ang creative industry habang muling umaarangkada ang ekonomiya ng bansa,” saad ng PCO.

Gaganapin umano ang unang bahagi ng nasabing konsyerto sa Abril 22, dakong 6:30 ng gabi. Itatampok dito ang mga performer tulad ng mga mang-aawit, mananayaw, instrumentalists at movement artists, rappers, spoken word artist, rock vocalists, theater artists, at beatbox artists na tubong Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Metro Manila at Davao.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Ayon pa sa PCO, tinaguriang ‘Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting’ ang gaganapin sa Abril 2 bilang pagkilala sa sakripisyo ng Sandatahang Lakas sa bansa. Dadaluhan naman ito ng mga miyembro ng AFP at kani-kanilang pamilya.

Ipapalabas din daw ang mangyayaring pagtatanghal sa pamamagitan ng live stream sa Facebook ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page.

Ang naturang programa ay hatid umano ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang (PBS-RTVM).

Ia-anunsyo naman umano ng Malacañang ang listahan ng performers sa mga susunod na araw.