Nakakuha ng “very good” net satisfaction ratings ang Senado, Kamara, Korte Suprema, at Gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, ayon sa Social Weather Station (SWS) nitong Huwebes, Abril 6.
Sa inilabas na resulta ng survey ng SWS, nakakuha ng +68 net satisfaction ratings ang Senado matapos umanong lumabas na 75% ng mga Pilipino ang satisfied habang 6% naman ang dissatisfied sa performance nito.

Nakakuha naman umano ang Kamara ng +56 net satisfaction ratings dahil 63% ng mga Pilipino ang satisfied at 7% ang dissatisfied sa kanilang performance.
Pagdating sa Korte Suprema, 62% umano satisfied at 9% ang dissatisfied sa performance na siyang nagbusod ng pagkakaroon nito ng +53 net satisfaction ratings nito.
Ayon din sa survey, nakatanggap ang gabinete ni Marcos ng +50 net satisfaction ratings matapos lumabas na 59% ng mga Pilipino ang satisfied at 9% dissatisfied sa kanilang performance sa kabuuan.
Makukuha umano ang net satisfaction ratings ng isang performance sa pamamagitan ng formula kung saan ibabawas ang porsyento ng “dissatisfied” sa porsyento ng “satisfied”.
Ayon pa sa SWS, maka-classify ang may +70 o mahigit pang net satisfaction ratings bilang “excellent”; +50 hanggang +69 bilang “very good;” +30 hanggang +49 bilang “good”; +10 hanggang +29 bilang “moderate”.
Maka-classify naman ang may net satisfaction ratings na +9 hanggang -9 bilang “neutral”; -10 hanggang -29 bilang “poor”; -30 hanggang -49 bilang “bad”; -50 hanggang -69 bilang “very bad”; at -70 pababa naman bilang “execrable.”
Ang nasabing datos ay resulta umano ng isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas.