Naglunsad ng Anti-Sexual Harassment (ASH) desk at hotline si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo "Along" Malapitan nitong Biyernes, Marso 31.
Sa ulat ng Manila Bulletin, inilunsad ang AHS alinsunod sa Sexual Assault Awareness Month (SAAM) ngayong Abril. Nilalayon nitong magbigay ng agarang tugon sa mga residenteng nakararanas ng sekswal na pang-aabuso, karahasan, at pagsasamantala.
"Walang puwang sa Caloocan ang pang-aabuso at pambabastos kaya sinikap namin na maglunsad ng Anti-Sexual Harassment Hotline at Desk sa pangunguna ng Gender and Development Resource and Coordinating Office (GADRCO)," saad ni Malapitan.
Dagdag pa niya, ang mga biktima ng sexual assault ay maaaring tumawag sa 0956-88-43210 o mag-email sa [email protected]. Puwede ring pumunta sa Caloocan-GADRCO para i-report ang insidente.
Matatagpuan ang GADRCO sa ikawalong palapag ng Caloocan City Hall-South. Bukas ito mula 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon.
"Sa ating mga kababayan, may kakampi po kayo sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan. Huwag po kayong matatakot na magsumbong o magdalawang isip na humingi ng tulong, bukas po ang ating tanggapan upang gabayan kayo sa mga nararapat na aksyon," saad naman ni Jan Christine Bagtas, officer-in-charge ng GADRCO.