Ipinahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na hindi na ito nasurpresa sa pahayag ni Justice Secretary Jesus Cripsin Remulla na isa si Teves sa mga tinitingnan nilang mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla
“No’ng nag-umpisa ang imbestigasyon lahat ng oblique references, lahat ng innuendo Teves, Teves, Teves,” saad ni Topacio nitong Lunes, Marso 27.
Nanawagan din si Topacio na tigilan na ang “trial by publicity”.
“‘Wag na sanang magsalita kung hindi pa sigurado, kasi may mga statements na ‘I think’, ‘I am not sure,’ ‘it is possible’. Complete the case build up and please file it para marinig na po ng prosecutor,” ani Topacio.
“What is alarming here, with all due respect to Secretary Remulla, a good friend of mine, sana maiwasan natin ‘yung magsasabi ng mga Teves ng Teves kasi alam ninyo po in a preliminary investigation the DOJ does not act as prosecutor,” saad pa niya.
Samanta, kinuwestiyon din ni Topacio ang kamakailang pagsamsam ng ₱19 milyon ng pulisya sa residential compound ni dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves sa Sta. Catalina, Negros Oriental.
“The plain sight doctrine says kahit wala sa warrant kung may makikita kang contraband pwede mong i-seize. Kailan naging contraband ang pera? Kailan naging illegal na meron kang pera? At bakit kinuha at bakit kino-condone ng Department of the Interior and Local Government ang pagkuha?,” ani Topacio.
Klinaro naman niya na hindi siya abogado ni Pryde Henry.