Hinikayat ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang publikong makiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour nitong Sabado ng gabi, Marso 25, upang mabawasan ang matinding epekto ng climate change.
Taunang ginaganap ang nasabing Earth Hour o pagpatay ng mga electric light tuwing Sabado ng Marso sa dakong 8:30 hanggang 9:30 ng gabi bilang simbolo ng pagnanais ng mga taong iligtas ang Inang Kalikasan.
Sa video message ni Marcos, binigyang-diin niya ang papainit na temperatura ng daigdig at ang 60 minutong pagpatay ng mga ilaw ay katumbas din ng 60 minutong paghinga ng kalikasan.
“It only takes 60 minutes to do good for our future, 60 minutes to take notice and commit to saving Mother Nature to be united and take action because together nothing is impossible,” ani Marcos.
Sinabi rin ng pangulo na makatutulong ang pag-obserba ng Earth Hour sa pamahalaan upang maipatupad ang mga action plan nito na layong makatulong sa kalikasan.
“So at this hour, let us stop, slow down and dedicate a moment to help the Earth breathe and heal anew. May this shared activity remind everyone that environmental preservation is an inter-generational responsibility and that it should become our individual and collective priority in the pursuit of progress and prosperity,” ani Marcos.
“Let us become part of the solution and embark on advocacies, programs and initiatives that will help us protect and preserve the Earth, our only home,” dagdag niya.
Inoorganisa ng World Wildlife Fund ang nasabing taunang worldwide movement.