Magkakaloob ang United States ng ₱10-milyon para tulungan umanong maging citizen scientists ang mga mangingisdang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Sa pahayag ng US Embassy in Manila nitong Biyernes, Marso 24, ang nasabing ₱10-milyon ay ipagkakaloob ng US Agency for International Development (USAID) para sa training ng mga mangingisdang nawalan ng kabuhayan dahil sa fishing ban na ipinatupad sa mga baybay-dagat na apektado ng pagkalat ng oil spill.
Ayon kay USAID Philippines Mission Director Ryan Washburn, sa tulong ng pondo, sasanayin ang mga mangingisdang magsagawa ng coastal habitat assessments sa probinsya upang maging citizen scientists.
"As your enduring friend, partner, and ally, the United States remains committed to support your journey to recovery, and to continue our partnership toward the protection and conservation of this region's rich coastal and marine resources," saad ni Washburn.
Sa pamamagitan ng partnership ng USAID sa ABS-CBN Foundation, Inc., tutulong din silang magmonitor sa epekto ng oil spill sa coastal communities ng Verde Island Passage.
Kamakailan lamang ay ibinahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nasa 19,000 mga mangingisda na ang apektado at tinatayang ₱5-milyon ang nawawala sa sektor ng pangisdaan kada araw dahil sa kumakalat na oil spill sa mga baybay-dagat ng bansa.
BASAHIN: Sektor ng pangisdaan, nawawalan ng ₱5M kada araw dahil sa oil spill – BFAR
Matatandaan lumubog ang nasabing MT Princess Empress, na may kargang 800,000 industrial fuel oil, sa Naujan, Oriental Mindoro, noong Pebrero 28.