Nagpahayag ng pagtutol ang isang samahan ng mga Katolikong paaralan sa bansa hinggil sa panukalang ipagbawal ang ‘no permit, no exam policy’ sa mga paaralan.

Kaugnay nito, umapela ang grupong Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) sa mga mambabatas na huwag ipasa ang 'No Permit, No Exam Prohibition Act.'

Ipinaliwanag ni CEAP Executive Director Jose Allan Arellano na sa tuition fee lamang umaasa ang mga pribadong paaralan upang magpatuloy ng operasyon, at mapasweldo ang kanilang mga guro, makabili ng mga gamit sa mga paaralan at makapapagawa ng mga gusali.

“Muli kami po ay nag-aapela sa pamahalaan na maunawaan sana kami sa aming ginagawa sa catholic education at private education na kailangan naming sumingil sa mga obligasyon ng mga magulang sa amin,” ayon kay Arellano sa panayam ng church-run Radio Veritas nitong Miyerkules.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

Hiniling din ng CEAP na pahintulutan silang makipag-dayalogo sa mga mambabatas kasama ang mga samahan ng mga pribadong paaralan at unibersidad, upang maipaabot naman ang kanilang panig hinggil sa isyu.

“May sulat kami na ibibigay ngayong araw na ito. Nagsama-sama ang mga association ng private schools para i-apela yung maaring maging batas na ito na No permit, No exam Prohibition Act,” dagdag pa ni Arellano.

Nauna rito, inaprubahan ng kongreso ang Senate Bill 1359 o "No Permit, No Exam Prohibition Act" na nagbabawal sa mga pribado at pampublikong paaralan na hindi bigyan ng pagsusulit ang mga mag-aaral nang hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang mga pagkakautang sa paaralan.

Ipinaliwanag ni Arellano na ang mga pampublikong paaralan ay tumatanggap ng tulong mula sa pondo ng gobyerno, subalit ang mga pribado at katolikong paaralan ay nagpapatuloy lamang mula sa ibinabayad ng matrikula ng mga estudyante.

“Kasi meron talagang mga complimentary ‘yung public, and private schools kasi we provide the same common good and that is education,” aniya.

Sinabi pa ni Arellano na sa nakalipas na pandemya, may 800-pribadong paaralan na ang nagsara dahil sa kawalan ng mga nag-enroll na estudyante.

Ang CEAP ay binubuo ng may 1,500-katolikong paaralan sa buong bansa at kabilang sa higit 12,000 pribadong paaralan.