Inanunsyo ni Governor Humerlito "Bonz” Dolor nitong Martes, Marso 21, na natagpuan na ang lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro, noong Pebrero 28.
Sa Facebook post ni Dolor, ibinahagi niyang unang nakita ang lumubog na barko gamit ang ROV mula sa Japan.
“Sa wakas, natagpuan na ang MT Princess Empress! Ang unang sulyap sa lumubog na barko gamit ang ROV (lulan ng Japanese vessel na sinalubong natin kahapon at inihatid sa lugar na pinangyarihan ng trahedya),” pahayag ni Dolor.
Ang nasabing lumubog na MT Princess Empress ay may karga umanong 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Magmula nang mangyari ang insidente, kumalat na ang oil spill sa iba’t ibang baybay-dagat sa bansa tulad sa mga probinsya ng Oriental Mindoro, Palawan, at Antique, kung saan nasa 149,503 indibidwal o 32,269 pamilya na umano ang naapektuhan.
BASAHIN: Sektor ng pangisdaan, nawawalan ng ₱5M kada araw dahil sa oil spill – BFAR