Muling binigyang-diin ng Maritime Industry Authority (MARINA) nitong Lunes, Marso 20, na walang permit para maglayag ang lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro dahil hindi pa umano na-isyuhan ng amended Certificate of Public Convenience (CPC) ang may-ari nito.
Ang CPC ay isang awtorisasyon umano na iniisyu ng MARINA sa isang sasakyang-dagat para sa isang domestic water transport na serbisyo kung saan walang prangkisa ang kinakailangan ng batas.
Sa isang livestream press conference sa MARINA Building sa Port Area, Manila kanina, sinabi ni Atty. Sharon Aledo, spokesperson at direktor ng Legal Service ng MARINA, na kinumpirma ng kanilang tagapangasiwa sa isang pagdinig sa Senado na may valid CPC nga ang RDC Reield Marine Services, Inc. na siyang may-ari ng lumubog na tanker, ngunit wala raw itong amended CPC.
Wala pa rin daw silang inisyu na kahit na anong desisyon na nagsasabing “ongoing” na ang aplikasyon ng RDC para sa CPC amendment na hindi pa nito nakukuha.
“As also stated by our Administrator, there are still some lacking documents and we follow a particular process,” ani Aledo.
Sa proseso umano ng MARINA sa pag-isyu ng CPC amendment, kailangang kumpletuhin muna ang screening process at lahat ng mga dokumentong kailangang ipasa tulad ng documentary, jurisdictional, at qualification requirements. Pagkatapos nito, ilalathala naman ang aplikasyon ng kompanya na siyang susundan ng itatakdang pagdinig.
Ang nasabing proseso ay hindi pa nangyayari sa RDC, ayon kay Aledo.
Iniimbestigahan naman na umano ng Department of Transportation (DOTr) ang inilatag ng Philippine Coast Guard (PCG) na amended CPC ng RDC.
Matatandaang matapos sabihin ng MARINA na walang amended CPC ang RDC para magkaroon ng permit na mag-operate ang lumubog na MT Princess Empress, ipinakita ni PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo ang kopya ng amended CPC umano ng naturang kompanya.
Ang nasabing dokumento rin daw ang pinagbasehan ng PCG para payagan ang nasabing tanker na maglayag.
BASAHIN: Lumubog na MT Princess Empress, walang permiso para maglayag – MARINA
Ayon naman kay RDC Vice President Fritzie Tee sa pagdinig sa Senado noong Marso 14, nagsimula na silang magpasa ng lahat ng mga kinakailangang requirements noong Nobyembre 2022 para makuha ang nasabing amended CPC.
Natapos umano silang magpasa ng mga dokumento noong Disyembre.