Umaasa pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na matupad ang ipinangako niyang magkaroon ng ₱20 kada kilong bigas sa bansa.

"Makikita ninyo 'yung bigas, ang aking pangarap na sinabi na bago ako umupo na sana maipababa natin ang presyo ng bigas ng ₱20. Hindi pa tayo umaabot doon... dahan-dahan palapit, nasa ₱25 na tayo, kaunti na lang maibababa natin 'yan," pahayag ng Pangulo matapos pangunahan ang pagbubukas ng 'Kadiwa ng Pangulo' (KNP) sa Pili, Camarines Sur nitong Marso 16.

Aniya, nasa ₱25 bawat kilong bigas ang iniaalok sa 500 Kadiwa stalls sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Binibigyang pagkakataon ng KNP na direktang makapagbenta ng kanilang produkto ang mga magsasaka, mangingisda at small and medium-sized enterprises.

Nasa ₱40 hanggang ₱46 pa rin ang kada kilong well-milled rice sa mga pamilihan sa Metro Manila batay na rin sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) nitong Marso 15.