Nasa 18 na container van na naglalaman ng puslit na sibuyas ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Maynila kamakailan.
Sa social media post ng BOC, pinangunahan nina Commissioner Bienvenido Rubio at District Collector Arnolfo Famor, ang pagkumpiska sa mga kargamento sa isinagawang inspeksyon sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila nitong Marso 10.
Sa pahayag ng BOC, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa China kaugnay sa nakatagong smuggled products na laman ng 18 container van na ipinasok sa bansa.
Idineklara umanong pizza dough at fishballs ang kargamento na nabistong mga puslit na pula at dilaw na sibuyas.
Dahil dito, naglabas ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) ang BOC laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at sa Department Circular No. 04 Series of 2016 ng Department of Agriculture.
“The BOC shall continue to maximize its intelligence resources and capabilities and intensify enforcement measures against unscrupulous importers and their cohorts to combat smuggling attempts, especially those involving agricultural goods which are inimical to our local farmers and businesses,” sabi pa ng BOC.