Inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo, Marso 12, na maglulunsad ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng Digital Media Literacy campaign ngayong taon upang labanan ang "fake news" sa bansa.
Sa ulat ng PCO, unang binanggit umano ni PCO Undersecretary Cherbett Karen Maralit ang nasabing programa sa ginanap na CyberSafe Against Fake News: Being Smart, Being Safe and Staying Ahead! Ensuring Women and Girls a Safe Online Experience sa UN headquarters sa New York.
Ayon kay Maralit, ang Philippine Congress ang siyang nag-atas sa PCO na lunasan ang lumalalang isyu pagdating sa misinformation at disinformation sa bansa, na lalong lumaganap ngayon sa social media.
Makikipagtulungan naman umano ang PCO sa mga pribadong sektor kabilang na ang stakeholders ng broadcast industry, upang makabuo ng epektibong mekanismo laban sa fake news.
Samantala, layon din umano ng inisyatibong ito na gabayan ang publikong alamin kung alin sa mga impormasyong kumakalat online ang totoo at alin ang fake news na hindi dapat nila paniwalaan.
“We will work to improve the citizenry’s ability to think critically and analyze information. The first step towards this end is identifying reliable and credible sources of information,” ani Maralit.
Magsasagawa rin daw ang PCO ng masusing pag-aaral ngayong buwan upang malaman kung aling lugar sa bansa ang pinakakinakailangang tutukan hinggil sa media literacy, saang social media platform mas talamak ang fake news, at anong mga usapin ang tinatarget ng mga fake news.
Layon din umano ng isasagawang pag-aaral na malaman ang mga profile ng mga nagpapakalat ng fake news sa social media.
“When we have gathered the results of this study, expectedly by the middle of this year, we will be implementing a nationwide media literacy campaign that will focus on the areas identified,” saad Maralit.
Sa pagtatapos ng taong ito ay isasara daw ng PCO ang nasabing kampanya sa pamamagitan ng isang Media Literacy Summit, kung saan aanyayahan ang mga tagapagsalita ng iba't ibang organisasyon tulad ng Facebook, Google, at Philippine Commission on Women, para magbahagi ng kanilang pananaw at kaalaman hinggil sa nasabing inisyatibo.