Ipagtatanggol ng Estados Unidos ang Pilipinas sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang pahayag ni Pentagon Press Secretary Brig. Gen. Pat Ryder kasunod na rin ng pag-uusap nina Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez, Jr. at U.S. Secretary of Defense Lloyd Austin III kaugnay sa mga nakaraang insidente sa WPS, kabilang ang sinasabing "act of aggression" ng Chinese Coast Guard (CCG) laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
Hinimay din aniya nina Galvez at Austin ang panukalang pagpapalawak ng bilateral security talks, kabilang na ang pagpapatuloy ng joint maritime activities sa pinag-aagawang karagatan at paglikha ng Security Sector Assistance Roadmap.
“Secretary Austin and Secretary Galvez also discussed opportunities to expand security cooperation with like-minded nations, such as Japan, that seek to uphold the rules-based international order and our shared vision for a free and open Indo-Pacific," ayon sa pahayag na isinapubliko ni Ryder.
Paliwanag din aniya ni Austin, gagamitin na ng Estados Unidos ang U.S-Philippines Mutual Defense Treaty kapag inatake ang mga sundalo ng Pilipinas, sasakyang panghimpapawid at barko nito sa WPS.
Matatandaang naalarma ang gobyerno at iprinotesta ang China kaugnay sa panunutok ng laser ng CCG sa barko ng PCG sa Ayungin Shoal nitong Pebrero 6.
Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin shoal.