Nagpahayag muli ng pagtutol si Senador Christopher “Bong” Go sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra-droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang ambush interview sa Quezon City noong Biyernes, Pebrero 17, sinabi ni Go na tiwala siya sa justice system ng bansa at buhay na buhay naman daw ang demokrasya ng Pilipinas.

“Gaya ng sinabi ko noon, hayaan na lang natin ang ating kapwa Pilipino at hindi po ang banyaga para humusga sa ginawa n’ya po noong unang panahon. Bakit ibang bayan po ang huhusga sa atin, eh, may sarili naman tayong batas? At ako po ay naniniwala at may tiwala po ako sa ating judicial system,” ani Go.

“Buhay na buhay ang demokrasya sa ating bansa, mayroon tayong rule of law na pinapairal, at may sarili naman tayong mga korte na nananatiling malaya at mapagkakatiwalaan,” dagdag niya.

National

PBBM, hindi makikipagtulungan sa ICC sa imbestigasyon ng drug war sa bansa

Ang nasabing imbestigasyon ng ICC ay upang makita umano kung may nilabag na karapatang pantao ang isinagawang war on drugs sa bansa.

Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2022, nasa 6,248 daw ang death toll dahil sa nasabing drug war.

Sa ulat naman ng Human Rights Watch, mahigit 12,000 indibidwal umano ang kinitlan ng buhay sa loob lamang ng 14 buwan.

Ibinahagi naman ni Go sa parehong panayam na layon lamang ng dating pangulo nang ipatupad ang war on drugs na mapabuti ang bansa.

“Ako po bilang senador at naging parte po ng administrasyon ni dating pangulong Duterte bago ako naging senador, alam ko naman po na ginawa lang po ni (dating) pangulong Duterte ang kaniyang sinumpaang tungkulin para po sa kaligtasan ng ating mga anak. Alam n’yo, ginawa n’ya po ang sakripisyo para po ‘yon sa future ng ating mga anak,” ani Go.

"Kayo na po ang humusga. Hayaan na natin ang taumbayan ang humusga, kung mas nakakalakad ba kayo sa gabi na hindi nababastos ang inyong mga anak at hindi nasasaktan. Ginawa po ni (dating) pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya at sakripisyo para po sa kinabukasan ng ating mga anak," saad pa niya.

Nagpasalamat din si Go kay House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nanguna sa pagpapasa ng House Resolution No. 780 na naglalayong depensahan si Duterte laban sa imbestigasyon ng ICC.

“Unang-una, nagpapasalamat po ako kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga kasamahan niya sa Kongreso sa patuloy na tiwala at suporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte,” ani Go.

Hindi naman daw siya magpapasa ng kaparehong resolusyon sa senado dahil hahayaan niya ang kaniyang mga kasamang senador na magdesisyon hinggil dito.

“Mas mabuti po sigurong ang iba kong kasamahan kasi self-serving (kung ako). Dati po kaming magkasama ni (dating) president Duterte. 

“Basta ako po, ‘yun po ang aking statement bilang senador — ginawa po ni (dating) pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya para sa ikabubuti ng bansa,” saad niya.