Dahil sa karumal-dumal na pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara, iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo sa gobyerno na magpatupad muna ng total deployment ban sa Kuwait.

Paliwanag ni Tulfo, chairman ng Committee on Migrant Workers sa Senado, habang umiiral ang deployment ban ay maaari nang magkaroon ng bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa ilalatag na hakbang o panuntunan upang hindi na maulit ang insidente.

Hindi aniya maiwasang maapektuhan ang mga OFW na pauwi sa bansa dahil sa posibilidad na hindi na makabalik sa naturang bansa.

Hindi rin aniya dapat na palagpasin ang insidente na posible pang maulit kung hindi kikikos ang pamahalaan.

Sa rekord ng Department of Migrant Workers, mahigit 100,000 ang mga Pinoy sa Kuwait, 68 porsyento o 47,000 nito ay household workers.

Kaugnay nito, dumating na sa bansa ang labi ni Ranara nitong Biyernes.

Sakay ng flight EK 334 ang labi ni Ranara at dinala ito sa PAIR PAGS Cargo sa Pasay City dakong 9:40 ng gabi, ayon sa DMW.

Kinumpirma ni DMW Secretary Susan Ople, isasailalim muli ito sa autopsy sa tulong ng National Bureau of Investigation.

Matatandaang natagpuan ang sunog na sunog na bangkay ni Ranara sa disyerto nitong Linggo, Enero 22, matapos patayin ng 17-anyos na lalaking anak ng employer nito.