Ang Pilipinas ay nasa ika-78 pwesto sa “most powerful passport” sa inilabas na 2023 Henley Passport Index para sa quarter 1 ng taon. Kasama nito sa puwesto ang bansang Uganda.

Ang pinakabagong ranggo ng bansa sa listahang ginawa ng research firm na nakabase sa London na Henley & Partners (HPI), na nangangasiwa sa pandaigdigang index ng kapangyarihan ng pasaporte, ay naghahambing ng libreng access ng visa ng 199 na pasaporte ng iba't ibang bansa sa 227 na destinasyon sa paglalakbay.

"The ranking is based on exclusive data from the International Air Transport Association (IATA), which maintains the world’s largest and most accurate database of travel information, and is enhanced by the Henley & Partners Research Department," pahayag ng HPI.

Nagbibigay ito ng marka batay sa bilang ng mga destinasyon na maaaring ma-access ng may hawak ng pasaporte nang walang visa.

DepEd, nagbigay ng 4 na Filipino values na dapat matutuhan ng mga mag-aaral

Binigyang-diin din sa listahan na ang mga may hawak ng pasaporte ng Pilipinas ay maaaring maglakbay nang walang visa sa 67 destinasyon.

Sa unang quarter ng 2023, ang Pilipinas ay tumabla sa Uganda sa ika-78, na nangangahulugang ang parehong mga bansa ay mayroon lamang 67 visa-free na mga destinasyon sa paglalakbay.

Samantala, ang Japan pa rin ang nakakuha ng pinakaunang pwesto na may access na walang visa sa 193 destinasyon.

Narito naman ang listahan ng Top 10:

Japan – 193

Singapore, South Korea – 192

Germany, Spain – 190

Finland, Italy, Luxembourg – 189

Austria, Denmark, Netherlands, Sweden – 188

France, Ireland, Portugal, United Kingdom –187

Belgium, Czech Republic, New Zealand, Norway, Switzerland, United States – 186

Australia Canada, Greece, Malta – 185

Hungary, Poland – 184

Lithuania, Slovakia – 183

Ang inilabas na index ay tumutulong na masuri ang halaga ng mga pagkamamamayan sa buong mundo batay sa kung aling mga pasaporte ang nag-aalok ng pinakamaraming visa-free, o visa-on-arrival access.