Isasailalim sa lifestyle check ang mahigit 500 matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagsumite ng courtesy resignation kamakailan.

Sinabi ni PNP chief General Rodolfo Azurin, Jr. sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, bahagi lang ito ng hakbang ng 5-man committee na sasala sa courtesy resignation ng mga nasabing opisyal.

Ang nasabi ring komite ang magrerekomendakay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung tatanggapin ang resignation ng mga opisyal.

Hindi binanggit ni Azurin kung kabilang sa mga naghain ng resignation ang hindi bababa sa 10 opisyal na umano'y dawit sa illegal drugs.

Hindi rin isinapubliko ni Azurin kung pangangasiwaan ng Office of the Ombudsman o National Bureau of Investigation (NBI) ang isasagawang lifestyle investigation.

Matatandaangnanawagan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga heneral at koronel ng PNP na magsumite na ng courtesy resignation sa layuning matanggal ang mga opisyal na sangkot umano sa bentahan ng iligal na droga sa bansa.

Sa pamamagitan ng kanilang website, ipinaliwanag naman ng Office of the Ombudsman na ang lifestyle check ay bahagi ng investigation strategy ng mga anti-corruption agency upang madetemina ang ill-gotten at unexplained wealth ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.