Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa posibleng paglaganap ng mga pekeng pera ngayong holiday season.

“Pag pumunta sa palengke, sa lapag tayo namimili, minsan may mga nagsasamantala,” pahayag ni PNP public information chief Col. Redrico Maranan sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes.

Nauna nang binanggit ng mga awtoridad na ipinakakalat ng sindikato ang mga pekeng pera tuwing Kapaskuhan kung saan dagsa ang mga tao.

Pinayuhan ng pulisya ang publiko na suriing mabuti ang safety features ng mga perang papel, kabilang ang serial number ng mga ito.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Umapela rin ang PNP na magsumbong kaagad sa pinakamalapit na presinto sakaling mabiktima ng sindikato para agad na maaksyunan at maaresto ang mga responsable nito.

Kadalasang nabibiktima ang publiko sa mga pekeng ₱1,000 at ₱500 bills, ayon sa pulisya.

Ganito rin ang naging apela ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasabay na rin ng banta nito sa mga indibidwal na mahuhuling may hawak ng mga pekeng pera.

Idinagdag pa ng BSP na maaaring makulong ng hanggang 15 taon ang sinumang mapapatunayang gumagamit ng mga nasabing pera.