Nagdadalamhati ngayon ang inang si Crisel Falviano matapos bawian ng buhay ang anak nitong si JayCris F. Galindez nang pagtulungang bugbugin ng apat na teenager sa Quezon City.
"Kuya, ito pa ung magpapaenroll tayo non. Sabi mo sakin, "Ma,enrollan na sa school namin. Samahan mo 'ko, ma, ha. Nahihiya kasi ako, ma, kaya samahan mo ko mama. Hindi ko kaya, ang hirap tanggapin na wala ka na," pag-alaala ng ina ng biktima.
Nagawa pang magtagal ng isang linggo ni Galindez sa ospital ngunit coma. Kalaunan ay binawian rin ito ng buhay.
Tatlong menor de edad at isang 18-anyos na binatilyo ang nasa likod ng pambubugbog, at kasalukuyan na silang sa kustodiya ng awtoridad.
Ayon sa report, matapos bugbugin ay pinukol pa ng isang malaking tipak na bato ang biktima na naganap sa harap ng San Bartolome High School sa Brgy. San Bartolome, Novaliches.
Hanggang ngayon, nanawagan pa rin ng hustiya ang ina ng biktima na hindi pa rin matanggap ang sinapit ng anak.
"Humihingi po ako sa inyo ng tulong na i-share niyo, ikalat ang nangyari sa anak ko. Mabigyan siya ng hustisya. Ang sakin, napakabuti ng batang ito. Walang kamalay-malay sa mangyayari sa kanya.
"Nov. 18, 2022 pumasok siya na, "Mama, papasok na po ako.
"Sige 'nak ingat sa daan, uwi kaagad.
"Opo Mama.
"Hindi ko alam na ganon na pala mangyayari sa kanya. Umuwi siya galing ng San Bartolome High School. Panghapon po kasi siya, ayon na may masama na pa lang mangyayari sa kanya.
"Ang sakit…Nakikiusap pa ang anak ko, "Mama ang sakit ng ulo ko. Mama, pwede po bang pahingi na lang ng gamot, iinom na lang po ako at uwi na tayo, mama"
"'Yan na ang huling salita niya sakin."