Nakumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may nagdeposito ng ₱550,000 sa bank account ni self-confessed gunman Joel Escorial hinggil sa pamamaslang kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa, ayon sa pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Sabado.

"Nilabas din nila (Anti-Money Laundering Council) na 'yung sinabi ni (confessed gunman Joel) Escorial ay very accurate. Nandoon talaga 'yung ₱550,000 deposit within a certain amount of days," sabi ni Remulla sa isang panayam sa telebisyon.

Unti-unti aniyang idineposito ang pera sa loob ng tatlong linggo.

Matatandaang sumuko si Escorial matapos ang pamamaslang kay Lapid at ibinunyag na siya ang bumaril sa mamamahayag.

Eleksyon

Maja Salvador kay Tito Sotto: 'Senador na maaasahan'

Binayaran aniya ang grupo nito ng ₱550,000 na inihulog sa kanyang savings account.

Inamin naman ni Remulla na patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang may kinalaman sa kaso.

Isasapubliko aniya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang iba pang impormasyon sa idinepositong ₱550,000 sa account ni Escorial, sa Lunes.

Matatandaang pinatay si Lapid matapos pagbabarilin ang sinasakyang kotse sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.