Isa na namang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang ipatutupad sa susunod na linggo.
"Mukhang masusundan ang increase na nakaraan base sa apat na araw. Baka mag-increase pero 'di kasinglaki noong nakaraang Martes, talagang shaky o magalaw ang presyuhan," pahayag ni Department of Energy (DOE) assistant director Rodela Romero sa isang panayam.
Resulta rin umano ito ng bawas-produksyon ng petrolyo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) Plus.
Aniya, ibinatay din ito sa unang apat na araw na kalakalan kung saan aabot na sa ₱2.53 ang idinagdag sa presyo ng bawat litro ng diesel.
Gayunman, hindi na nito binanggit kung magkano ang idadagdag sa inaasahang price adjustment sa susunod na linggo.
Posible rin umanong hindi magtuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo pagsapit ng Nobyembre.
"Tingnan natin sa November pero, hopefully hindi nga matuloy at meron pang factors na bumaba ang presyo," banggit pa ng opisyal.