Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara na naglalayong naglalayong itaas ng 75 porsiyento – mula P36,619 hanggang P63,997 – ang minimum base monthly pay ng mga nurse na nagtatrabaho sa gobyerno.
Ang mungkahing ito ay inihain ni Quezon City Representative at House Committee on Higher and Technical Education, Marvin Rillo sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 5276.
Sa panukala, ang minimum na base pay ng mga nurse na nagtatrabaho sa mga pampublikong institusyong pangkalusugan ay hindi dapat mas mababa sa Salary Grade 21 na itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 11466, o ang Salary Standardization Law (SSL) ng 2019.
Ang panukalang batas ni Rillo ay naglalayong amyendahan ang Philippine Nursing Law, o Republic Act No. 9173, na nagtakda ng floor base pay ng mga pampublikong nars na hindi bababa sa Salary Grade 15.
Ang Salary Grade 15 ay kasalukuyang nagbabayad ng minimum na P35,097 bawat buwan, na tataas sa P36,619 sa Enero 1, 2023, kapag ang ikaapat at huling tranche ng mga pagtaas sa ilalim ng SSL ay nagsimula na.
Samantala, ang Salary Grade 21 ay kasalukuyang nagbabayad ng minimum na P62,449 kada buwan, na tataas sa P63,997 sa Enero 1, 2023 sa ilalim ng SSL.
Anang solon, kapag naisabatas, inaasahan na ang panukala ay makakatulong na mapabagal ang mabilis na paglipat ng mga Pilipinong nars sa mga merkado ng paggawa sa ibang bansa.
"Our measure will also encourage a greater number of high school graduates to pursue a Bachelor of Science in Nursing (BSN) degree in college," pahayag ni Rillo.