Ayon kay Quezon City Representative at House appropriations committee member Marvin Rillo, muling naglapag ng P2.5 bilyon na pondo ang pamahalaan upang maglagay ng karagdagang access point sa Internet Wi-Fi connectivity.
Ang P2.5 bilyon na sariwang pondo para sa Free Public Internet Access Program (FPIAP) sa 2023 national budget ay magbibigay-daan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawakin pa ang network ng bansa ng government-sponsored open Wi-Fi hotspots.
"This time, we are counting on the DICT to speed up the rollout of free Wi-Fi hotspots to make up for previous delays," ani Rillo.
Si Rillo ay miyembro rin ng House information and communications technology committee.
Aniya, "We desperately need more physical locations where Filipinos who cannot afford Internet at home can benefit from a free Wi-Fi connection, and use it to access public services, look for gainful employment, or download learning materials."
Giit ng kongresista, ang mga libreng Wi-Fi hotspot ay partikular na nakakatulong, kung isasaalang-alang na 73% ng mga Pilipino ang gumagamit ng kanilang mga mobile phone upang ma-access ang Internet
Sa ngayon, nakapaglagay na ang DICT ng 4,518 sites sa buong bansa na nagbibigay ng libreng Wi-Fi hotspots sa publiko simula noong Hunyo 29, 2022.
Ang DICT website (https://freepublicwifi.gov.ph/livehotspots/) ay nagbibigay ng eksaktong lokasyon ng mga ito mga hotspot.
Ang bulto ng P2.5 bilyon na bagong pondo para sa FPIAP ay gagastusin sa mga libreng Wi-Fi hotspot sa mga pampublikong lugar, habang ang P50.7 milyon ay ibibigay para lamang sa pinabuting koneksyon sa 116 na state universities at colleges sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10929, o ang Free Internet Access in Public Places Law of 2017, ang DICT, sa pamamagitan ng FPIAP, ay inaatasan na magbigay ng libreng Internet connectivity sa mga pampublikong lugar.