Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kaso laban kina suspended Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian at tatlo pang dating opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kaugnay ng kontrobersyal na 'illegal' Sugar Order No. 4.
Kabilang sa pinakakasuhan ng administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman sina Sebastian, dating SRA administrator Hermenegildo Serafica, dating Sugar Board member Roland Beltran at dating Sugar Board member Aurelio Gerardo Valderrama, Jr..
Sa committee report ng Senado, binanggit na isang administrative offense ang pagpirma ng apat sa 'illegal' na Sugar Order No. 4 kaya pinapanagot ang mga ito sa kasong serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at gross insubordination.
Bukod pa dito ang kasong kriminal na kinabibilangan ng graft and corruption, agricultural smuggling, at usurpation of official functions.
Matatandaang naging kontrobersyal ang Sugar Order No. 4 na nag-uutos na umangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal matapos pirmahan nina Sebastian, Serafica, Beltran at Valderrama sa kabila ng kawalan ng go-signal ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Si Marcos ay tumatayong kalihim ng DA at chairperson ng Sugar Regulatory Board.