Inirekomenda na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang optional na paggamit ng face mask sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Miyerkules.

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang optional na paggamit ng face mask ay kung nasa open space o hindi crowded na lugar o outdoor area.

“Doon sa IATF, ang kanilang rekomendasyon ay pag-liberalize ng ating mask wearing mandate and make mask wearing outdoors voluntary across the country,” anito.

Nitong Lunes, nagpulong ang mga miyembro ng IATF upang talakayin ang nabanggit na rekomendasyon na nakatakdang iharap kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..

Matatandaangnagpalabas ng kautusan ng Cebu City government na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng mask sa mga open space kahit nasa pandemya pa ang bansa.