Posible umanong gumamit ang Pilipinas ng inhalable coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine na posibleng makatulong ng malaki sa pagpapaigting ng vaccination campaign nito.

Ipinahayag ni Department of Science and Technology (DOTS) vaccine expert panel chief, Dr. Nina Gloriani, ang nasabing bakuna ay bagong tuklas ngn CanSino Biologics na naka-base sa China.

Gayunman, hindi pa aniya naghahain ng emergency use authorization application sa Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing vaccine manufacturer.

“Wala, kailangan nilang mag-submit ng application, so wala pa, hindi pa yan pumapasok, as far as I know from FDA,” banggit ni Gloriani sa panayam sa telebisyon.

“But it has its potentials, kasi nga, imbes na i-injectionan natin, mas mabuti na ang delivery nung vaccine ay through the nose o sa mouth…kung saan doon sa normal na pagpasok ng virus ay 'yun 'yung nangyayari sa natural infection. So mi-mimic niya, imitate niya, yung ganoong pagpasok ng virus,” anito.

Aniya, tila mabisa naman ang inhalable vaccine at ligtas pa umano itong gamitin.

“So largely booster itong bibigay nila na inhalable ‘no…bibigyan nila 2 doses, primary 'yun, binigyan ng isang booster nito at nakita nila na kumparado sa pare-pareho na injectable, tatlong injectable vs. 2 injectable + 1 booster ay actually mas maganda ang resulta doon sa itong inhalable na booster, mas mataas at maganda din ang kanyang performance, ang proteksyon sa Omicron variant,” lahad nirto.

Paglilinaw ni Gloriani, kailangan munang magsagawa ng masusing pag-aaral upang matukoy kung maaari itong gamitin sa mga pasyenteng mayroong hika (asthma).

“Merong data 'yan…na actually medyo hindi advisable sa may mga asthma, kasi baka mag-mist, mag-trigger ng hyperreactivity, but of course kailangan pag-aralan yun,” dagdag pa ni Gloriani.