Inaprubahan na ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang appointment ni George Garcia bilang chairman ng Commission on Elections (Comelec).

Ipinasyang kumpirmahin ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, kay Garcia matapos na makapasa ang huli sa paghimay ng CA na binubuo ng mga senador.

Si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang humiling na aprubahan na ang appointment ni Garcia.

"He has answered our questions well and has plans for the next and future elections, and so I move to approve his appointment," ani Zubiri sa panayam sa telebisyon.

Aniya, tinanong nila si Garcia "kung paano nito mapabuti ang pagsasagawa ng halalan, gamit ang vote-counting machines, at paglilinis sa listahan ng mga botante.

Pinagpaliwanag din si Garcia kung paano mapapanatili ng Comelec ang pagiging walang kinikilingan dahil mga high-profile ang kliyente nito bilang abogado bago pa siya italaga sa ahensya.

Kaagad namang tiniyak ni Garcia na hindi niya gagamitin ang pagigingabogado nito sa kanyang trabaho sa Comelec.

"I can commit to you, I will always maintain the impartiality of my office and that the institution will always be independent in all its actions," dagdag pa ni Garcia.