Bahagyang makahihinga nang maluwag ang mga motorista dahil sa inaasahang pagtapyas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng ilang taga-industriya ng langis, posibleng bawasan ng mula ₱3.00 hanggang ₱3.30 ang presyo ng kada litro ng gasolina sa Martes, Setyembre 6.
Mula ₱1.70 hanggang ₱2.00 naman ang i-ro-rollback sa presyo ng bawat litro ng diesel.Posible namang ipatupad ng Unioil ang bawas na ₱1.50 hanggang ₱1.70 sa presyo ng kada litro ng kanilang diesel at nasa ₱2.50 hanggang ₱2.70 naman ang ibabawas sa presyo ng kada litro ng gasolina.
Nilinaw naman ng Department of Energy (DOE)-Oil Industry Management Bureau na ang inaasahang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ay resulta ng ipinatutupad na coronavirus disease 2019 (Covid-19) lockdown measures sa China.
Dagdag pa ang pahayag ng United States at mga bangko sa Europa na magtataas ng interest rate dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.